MANILA, Philippines — Pinasasampahan na ng piskalya ng kaso ang mga tripulante ng MT Tritrust at MT Mega Ensoleilee, ang dalawang fuel tankers na nahuli ng Bureau of Customs (BOC) sa aktong ilegal na paglilipat ng smuggled fuel sa Navotas Port, dahil sa pagbibiyahe ng unmarked fuel sa commercial quantity.
Sa 7-pahinang resolusyon mula sa Office of the City Prosecutor sa Navotas City na may petsang Setyembre 21, 2024, nakakita ang prosecutor ng reasonable grounds para sampahan ng kasong kriminal ang mga tripulante dahil sa paglabag sa Section 265-A ng National Internal Revenue Code (NIRC), na inamiyendahan ng Section 80 ng Republic Act 10963, o The Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Pinuri naman ni Customs Commissioner Bien Rubio ang mabilis na aksiyon ng Manila International Container Port Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) nang magsagawa ng fuel marking test on the spot na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga tripulante ng dalawang fuel vessels.
Tiniyak naman ni BOC-CIIS Director Verne Enciso na patuloy na tutugisin ng BOC, katuwang ang Department of Justice (DOJ), ang lahat ng fuel smugglers at sinumang sangkot sa ilegal na paglilipat ng fuel, o paihi system.
Ang MT Tritrust ay nahuling nagbibiyahe ng 320,463 litro ng unmarked diesel fuel habang ang MT Mega Ensoleilee ay may karga namang 39,884 litro ng unmarked diesel fuel. Ang smuggled fuel mula sa dalawang tankers ay na sa humigit-kumulang P20,350,000.
Samantala, ipinag-utos pa sa resolusyon ang pagsasagawa ng preliminary investigation para sa prosekusyon ng karagdagang kaso dahil sa unlawful importation laban sa may-ari, manager, at/o corporate officers ng Megapower Petroleum at Shipping Corp.
Sinabi ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na ang kumpanya ay maaaring maharap sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Section 1401 ng CMTA.