Transgender huli ng NBI sa sex trafficking

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Shella Morena Bermudez na kilalang facilitator ng sex trafficking ng mga kababaihan laluna ng mga minors.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Counter Intelligence Division (NBI-CID) ang isang transgender na nambubugaw umano ng mga kababaihan  para makipag-sex sa mga parukyano.

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Shella Morena Bermudez na kilalang facilitator ng sex trafficking ng mga kababaihan laluna ng mga minors.

Sinabi  ni Santiago na isang non-go­vernment organization ang humingi ng tulong sa NBI CID hinggil sa modus ng suspek’ gamit ang ibat ibang social mediá applications na ang mga biktima ay pinapangakuan ng bayad na 3000 hanggang P6,000 kapalit ng  sexual services.

Makaraang makumpirma ang modus  ni Bermudez, agad naglatag ng operasyon ang NBI kasama ang mga elemento ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang  swimming party na inorganisa ng suspek  sa isang resort sa Purok 6 Amsic, Angeles City, Pampanga at dito ay kasama ng suspek ang limang babae na sinasabing nag-aalok ng sexual favors kapalit ng halagang  Php 3,000 bawat isang babae.

Nang makatanggap ng bayad mula sa isang  poseur-customer, agad dinakma ng mga awtoridad si Bermudez habang ang limang babae ay agad na rescue sa naturang operasyon.

Si Bermudez ay nahaharap sa kasong Qualified Trafficking in Persons na naamiyendahan sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at paglabag sa  R.A. 7610 -Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Show comments