MANILA, Philippines — Away sa negosyo ang isa sa mga tinitingnan motibo sa pagpatay kay Police Captain Aminoden Mangonday at sa maybahay nito at ikinasugat ng menor-de-edad na anak, sa Muntinlupa City, kamakalawa ng madaling araw.
Ito ang inihayag ni Police Captain Fernando Niefes, Chief Investigation ng Muntinlupa City Police Station.
Sinabi ni Niefes na may person of interest na sila kaugnay sa karumal-dumal na pagpatay sa nasabing pulis at misis nitong si Mary Grace Ramirez Mangonday, habang inoobserbahan pa sa isang ospital ang anak nilang 12-anyos na si Shasmeen.
Kabilang sa inaalam ang kaugnayan sa mga kinasuhan ni Mary Grace na tatlong empleyado umano sa online cosmetics business nito.
Sa iba pang impormasyon, may kasosyo rin si Mary Grace na diumano’y sinampahan ng reklamo sa Manila Police District (MPD) at sa iba pang lugar.
Nang maganap umano ang pamamaril sa pamilya Mangonday ay pagod ang buong pamilya dahil kauuwi pa lang ng bahay matapos ipagdiwang ang kaarawan ng anak.
Sa inisyal na ulat, ang gunman na inilarawang nasa 5’9 ang taas, nakasuot ng itim na jacket at pantalon, mahaba ang buhok, ang pumasok sa bahay ng pamilya Mangonday ala-1:10 ng madaling araw, sa Tierra Villas, L&B 2 Ilaya St., Alabang.
Sa imbestigasyon, naidlip sa sofa bed ng kanilang sala si Capt. Mangonday sa ikalawang palapag nang pasukin ng suspek at binaril sa ulo, kasunod ay pinasok naman ang bedroom ng mag-asawa kung saan binaril si Mary Grace ng maraming beses sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Dahil sa narinig na magkakasunod na putok ay lumabas ng kaniyang kuwarto si Shasmeen na nakakita sa suspek na binaril naman sa mukha.
Si Capt. Mangonday ay agad na inilibing ilang oras matapos ang krimen sa Blue Mosque, sa Maharlika Village, Taguig City matapos ang 18 gun salute at pag-aalay ng bandila sa kaniyang bangkay.