Pinabili ng napkin
MANILA, Philippines — “Tumakas o pinatakas.”
Ito ngayon ang sentro ng imbestigasyon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) laban kay PCpl. Aaron Balbaboco Balajadia, 36-anyos, nakatalaga sa Batasan Police Station (PS-6) bilang Mobile Patroller, matapos na mawala na parang bula ang wanted na si Mary Rose Parenas na nahuli ng nasabing himpilan sa bisa ng warrant of arrest.
Batay sa imbestigasyon, dinala ni Balajadia si Parenas sa Rosario Maclang Bautista General Hospital sa IBP Road, Brgy. Batasan, Quezon City dakong alas-3:50 ng madaling araw nitong Sabado dahil sa iniindang pananakit ng tiyan at hirap sa paghinga.
Habang nasa ospital, nakiusap umano si Parenas kay Balajadia na ibili siya ng sanitary napkin sa kalapit na tindahan.
Subalit sa pagbalik ng nasabing pulis sa ospital ay nawawala na si Parenas.
Sinikap umanong hanapin ni Balajadia si Parenas subalit bigo nang makita ang huli para maibalik sa selda.
Bunsod sa insidente, inaresto ng kanyang mga kabaro si Balajadia na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 224 (Evasion through negligence) ng Revised Penal Code (RPC).