MANILA, Philippines — Patay ang hindi pa kilalang dayuhan matapos pagbabarilin sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ng riding-in-tandem na tumangay ng kaniyang bag sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Investigation and Detective Management Section ng Makati City Police Station, inaalam pa ang pagkilanlan at nationality ng nasawing biktima na inilarawang maputi, (posibleng Chinese) nasa 25-35 anyos. nakasuot ng t-shirt na puti, itim na pantalon, sneakers na puti at may dalang clutch bag, may mga tattoo sa magkabilang braso at nababalot ng tattoo ang likod.
Naganap ang krimen alas-10:22 ng gabi sa Kalayaan Avenue malapit sa panulukan ng N. Garcia St., Barangay Bel-Air, Makati.
Nabatid na itinawag ng isang security guard sa Brgy. Bel_air ang narinig na apat na putok ng baril at agad na nirespondehan ng bantay-bayan at itinawag din sa Poblacion Sub-station.
Nadatnan ng Makati Police sa pangunguna ni P/Master Sgt. Evelyn Quirante na isinakay na sa Makati Life rescue ang duguang biktima at dinala sa Makati Medical Center kung saan idineklarang patay alas-11:07 dahil sa tinamong bala sa ulo at katawan.
Sa isinagawang backtracking sa CCTV, naglalakad mag-isa ang biktima na may hawak pang clutch bag. Ang mga suspek naman na sakay ng motorsiklo na kulay itim, ay nag-counterflow sa Kalayaan Ave. huminto sandali at nagpalit ng posisyon ang backrideder at binuntutan ang biktima at inagaw ang dalang ba kaya ito binaril ng mga suspect.
Narekober sa crime scene ang 3 basyo ng .9 mm.
Ayon sa Makati Police, patuloy pang iimbestigahan kung may iba pang motibo sa krimen, bukod sa robbery dahil sinigurado pang mapatay ang biktima.
Inihahanda ang reklamong robbery with homicide na isasampa sa mga suspek sakaling maaresto.