Lady rider, salpok sa plastic barrier; nagulungan ng truck, todas!

Matinding pinsala sa ulo ang ikinasawi ng biktimang si alyas ‘Gianna’ habang nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng truck na si alyas ‘Archie.’
STAR/File

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang lady rider nang bumangga sa plastic barrier ang sinasakyan niyang motorsiklo at masagasaan ng trailer truck sa Paco, Manila kahapon ng madaling araw.

Matinding pinsala sa ulo ang ikinasawi ng biktimang si alyas ‘Gianna’ habang nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng truck na si alyas ‘Archie.’

Lumilitaw sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), na dakong alas-3:07 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa eastbound lane ng Quirino Avenue, kanto ng Anakbayan St., sa Paco.

Lulan umano ang biktima ng isang Yamaha Mio Soul 1 at binabagtas ang naturang lugar nang aksidente niyang mabangga ang isang plastic barrier sa lugar.

Dahil dito, sumemplang ang motorsiklo ng biktima at bumagsak siya sa sementadong kalsada.

Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na nagawa pang ng driver ng trailer truck at nasagasaan ang biktima, na agaran niyang ikinasawi.

Show comments