MANILA, Philippines — Muling sumiklab ang kaguluhan sa loob ng Multinational Village sa Parañaque sa pagdagsa ng mga kapulisan sa clubhouse ng subdibisyon, kahapon.
Nag-ugat ang tensyon nang pumalag ang daang residente ng village sa pagdating ng sheriff ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), kasama ang mga tauhan ng Parañaque City Police, para iluklok muli ang dating pangulo ng Multinational Village Homeowners Association (MVHAI) na si Arnel Gacutan at board members na nahalal umano noong 2019.
Umalma ang mga residente at kasalukuyang pangulo na si Julio Templonuevo na nahalal noong 2022, nang isagawa ang break open sa tanggapan ng asosasyon, na nagsimula alas-5:00 ng umaga kahapon.
Makikita sa kumalat na video ang pagwasak sa pintuan ng opisina kung saan diumano sinira din ang mga dokumento.
Ayon sa mga residente, hindi na nila gusto pang makabalik bilang pangulo ng MVHAI si Gacutan dahil sa panahong nakaupo umano ito umusbong ang mga POGO at shabu laboratory sa loob ng subdibisyon.
Sinabi ni Templonuevo, marami umanong kinasangkutang illegal activities si Gacutan, na noong 2005 ay napatawan ng contempt ng Kongreso dahil umano sa naglipanang shabu lab at hindi maipaliwanag na yaman nito.
Natapos na rin umano ni Gacutan ang termino nito noong 2019 subalit ipinipilit pa na sila pa rin ang mauupo.
Una nang tinabla ng Court of Appeals (CA) si Gacutan at pinatawan ng perpetual disqualification to hold office.
Samantala, nong Marso 2024 nang kilalanin ng Parañaque City government ang dating board members ng MVHAI sa pangunguna ni Gacutan bilang lehitimong mga opisyales, kasunod ng naging desisyon ng Court of Appeals at ng Supreme Court (SC) na nagpawalang-bisa sa naging eleksyon ng board ng naturang asosasyon noong 2022.
Sumunod naman sa kautusan ng dalawang korte ang DHSUD na maibalik si Gacutan na nahalal noong 2019.
Una nang na-deny ng CA ang temporary restraining order na inihain ng kampo ni Julio.
Marami nang beses na naiulat ang kaguluhan sa MVHAI.