MANILA, Philippines — Tatakbong muli sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo para sa reelection, sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Mismong sina Lacuna at Servo ang nagkumpirma sa muli nilang pagkandidato, nang dumalo sa buwanang “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association, na ginanap kahapon sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila.
Ayon kina Lacuna at Servo, magkasama silang maghahain ng kandidatura pagsapit ng Oktubre, at tatakbo para sa panibagong termino sa susunod na halalan.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang dalawang pinakamataas na opisyal ng lungsod na muli silang pagkakatiwalaang ihalal ng mga residente at walang pagpapalit ng pamunuan na magaganap sa lungsod.
“We are confident Manileños will renew for another three years the mandate they gave us in the May 2022 elections,” ayon sa alkalde.
Tiniyak din naman ng alkalde na handa silang harapin maging sinuman ang makalaban sa susunod na halalan.
“We are ready for anyone who will compete for the mandate from Manileños. We have a strong record of public service and results that our constituents can measure up against others,” dagdag pa ni Lacuna.