Sa ikaapat na pagkakataon
MANILA, Philippines — Nakasungkit ang Quezon City Government ng limang parangal kasama na ang Overall Most Competitive Local Government Unit - Highly Urbanized Category sa ginanap na Creative Cities and Municipalities Congress 2024 na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nakakuha ng high spots ang QC LGU sa mga categories na Overall Most Competitive Local Government Unit, Most Competitive: Infrastructure, Special Award mula sa Intellectual Property Office of the Philippines dahil sa may pinaka maraming bilang ng intellectual property filings.
lkalawa at ikatlo naman ang Quezon City bilang Most Competitive: Innovation at Most Competitive: Resiliency award categories.
Ang pagkilala ay mula sa Cities and Municipalities Competitiveness Index 2024 awarding ceremony na hinanap sa Manila Hotel.
“Ang mga pagkilalang ito ay pagpapatibay sa magandang trabaho ng pamahalaang lungsod para sa kapakanan ng lahat ng QCitizens,” sabi ni QC Mayor Joy Belmonte na dumalo sa parangal kasama si Business Permits and Licensing Department head Margie Mejia at City Planning and Development Department OIC Jose Gomez Jr.
“Alay natin ang mga award na ito sa ating mga katuwang sa paglilingkod sa pamahalaang lungsod at sa mga QCitizen na walang patid na nagtitiwala sa kakayahan ng siyudad na magsilbi,” dagdag pa ng alkalde.
Binigyang diin ni Belmonte na ang mga parangal ay magsisilbing inspirasyon na maiangat pa ang buhay at mapahusay ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga QCitizens.
Ito ang ika-apat na sunod na taon na ang QC ay nakasungkit sa Overall Most Competitive Local Government Unit mula nang maging Hall of Famer noong 2019.