MANILA, Philippines — Kinontra ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang paglikha ng bagong “superbody” upang tumugon sa mga kalamidad na nangyayari sa bansa.
Ito naman ang sinabi ni Teodoro sa isinagawang media launch ng Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction kahapon sa PICC kahapon.
Ayon kay Teodoro, mas mabuting palakasin na lang ang koordinasyon at pagpapalitan ng impormasyon ng mga ahensyang nakatutok sa pagtugon sa mga disaster response.
Paliwanag ni Teodoro ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na binubuo ng iba’t ibang ahensya kung saan siya ang Chairman, ang kasalukuyang gumaganap ng papel ng isang “superbody” sa pagtugon sa sakuna.
Magiging redundant lamang ang pagbubuo ng “superbody” sa iba pang mga komite o grupo.
Napatunayan namang epektibo ang ganitong sistema dahil natututukan ng iba’t ibang ahensyang kabilang sa NDRRMC ang kanilang partikular na papel sa ginawang pagresponde sa sakuna.
Dagdag pa ni Teodoro na ang paglikha ng bagong “superbody” ay matagal na proseso, at mangangailangan ng pondo na kukunin din mula sa pondo ng mga ahensya na bihasa na sa kanilang trabaho pagdating sa disaster response.