MANILA, Philippines — Nagtamo ng mga pasa sa katawan ang isang traffic enforcer nang karatehin ng isang motorcycle rider sa tapat ng Ayala Malls, sa Barangay Alabang, Muntinlupa City, iniulat kahapon.
Nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Article 148 (Direct Assault) at Article 151 (Disobedience) ng Revised Penal Code ang suspek na si alyas “Eduardo”, 49, walang trabaho, at residente ng Tandang Sora, Quezon City.
Ayon sa Muntinlupa Public Information Office (PIO), nakarating sa kanila ang ulat nang mag-viral ang video hinggil sa insidente, kung saan kinarate sa gitna ng trapiko ang biktimang si alyas “Joel”, 38 , Assistant Supervisor ng AM Shift ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB) .
Nabatid na noong Agosto 10, 2024 alas -12:30 ng hapon, nang maganap ang insidente sa harapan ng Ayala Malls.
Habang inaalalayan ang napakaraming tumatawid sa kalsada ng duty traffic officers kabilang ang biktima, nang biglang lumusot pa rin ang suspek na nagmamaneho ng Honda Click 125 kaya napahinto ang mga tumatawid.
Sinita ang suspek at inisyuhan ng Uniform Ordinance Violation Receipt (UOVR) na agad ikinagalit nito.
Bumaba ng motorsiklo ang suspek at inatake ng karate at flying kick ang nasabing traffic enforcer, na nasaksihan ng maraming tumatawid at motorista na umawat sa pangyayari.
Agad namang nirespondehan ng nagpapatrulyang pulis ang pangyayari at inaresto ang suspek.