MANILA, Philippines — Isang lalaki ang namatay matapos na mahulog sa motorsiklo at magulungan ng bus sa EDSA carousel, kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office, sakay ng habal-habal ang biktima na nasa North bound nang mahulog sa motorskilo nang mag-U turn ang driver nito.
Pumailalim sa bus ang biktima kaya nagdulot ng trapiko nang pansamantalang isinara ang EDSA Busway sa North Avenue.
Aminado naman ang rider na bawal mag-U turn sa lugar nang pinangyarihan at sinubukan niya hanggang sa nabundol sila ng bus.
Agad namang rumesponde ang mga rescuer sa pinangyarihan ng aksidente.
Samantala, may nakitang baril at magazine na may bala sa tabi ng katawan ng biktima.