MANILA, Philippines — Lalarga na ngayong araw ang ikinakasang tigil-pasada ng mga transport group na Manibela at Piston sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.
Sisimulan ang tigil-pasada ngayong Miyerkules, Agosto 14, at inaasahang magtatagal hanggang sa Biyernes, Agosto 16.
Ito ay inaasahang lalahukan ng mga tsuper at operators, na pawang miyembro ng naturang mga transport group, sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at iba pang lalawigan.
Sa abiso ng Manibela, dakong alas-6 ng umaga ay magsisimula na silang magtipon sa Welcome Rotonda at pagsapit naman ng alas-8 ay sama-sama na silang magmamartsa patungong Mendiola.
Layunin ng protesta na tutulan ang isinusulong na Public Transport Modernization Program (PTMP) na dating kilala sa tawag na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ng pamahalaan.
Matatandaang kamakailan ay naghain ang Senado ng resolusyon na nagrerekomenda sa pansamantalang suspensiyon ng PTPM na ibinasura naman ni Pang. Marcos Jr..