MANILA, Philippines — Sinimulan na kahapon ng transport group na Manibela ang tatlong araw na nationwide protest upang tutulan ang Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating kilala sa tawag na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ito’y bilang tugon sa desisyon ng Pang. Ferdinand Marcos Jr. na ibasura ang resolusyon ng Senado na nagrerekomenda sa pansamantalang suspensiyon ng naturang programa.
Nabatid na nagdaos ang Manibela ng protesta sa Monumento Circle sa Caloocan City kahapon, gayundin sa istratehikong lugar sa Maynila, Quezon City, Pasig City, Pasig City, Caloocan City sa Metro Manila, gayundin sa ilang bahagi ng Cavite, Bulacan, Pangasinan at Iloilo.
Tiniyak din naman ng grupo na tuloy ang pagdaraos nila ng tatlong araw na tigil-pasada mula Agosto 14 hanggang 16.
Ani Manibela president Mar Valbuena, maging ang kanilang mga miyembro sa mga lalawigan ay makikilahok sa protesta.
“Magmula sa po Baguio, pababa ng Pangasinan, Central Luzon, sa Ilagan at Cauayan sa Isabela, CALABARZON, Western Visayas, Central Visayas sa Cebu at Lapu Lapu, Ormoc, Tacloban, Catbalogan, Iligan Butuan, Cagayan de Oro City, Sarangani and Davao City po,” aniya, sa panayam sa radyo nitong Linggo ng gabi.
Samantala, tiniyak naman ng grupong PISTON na maging sila ay lalahok sa naturang tigil-pasada.
Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi PISTON Pres. Mody Floranda na kaisa sila ng Manibela sa pagdaraos ng naturang welga sa ruta.