MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon na isang lalaki ang kumpirmadong patay habang tatlong iba pa ang nawawala nang tangayin ng rumaragasang baha ang ilang barge at bangka at sumalpok sa isang tulay sa Pasig City, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina at Habagat.
Nabatid na ang biktima ay isang 48-anyos na mekaniko na nagtatrabaho sa isa sa mga barge.
Ayon kay Lt. Cmdr. Mike Encina, tagapagsalita ng PCG-National Capital Region at Central Luzon, mismong ang pamilya ng biktima ang nagkumpirma ng malungkot na balita.
Nabatid na ang biktima ay tinangay mula sa F. Manalo Bridge sa Pasig hanggang sa Delpan area sa Maynila.
Hulyo 25 umano nang magsagawa ng rescue operation sa mga barge ngunit Hulyo 27 nang matagpuan ang bangkay ng biktima.
Samantala, tatlong iba pang manggagawa na kinontrata ng Toyo Construction Company ang nawawala pa at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.