MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation- Dangerous Drugs Division (NBI-DDD) ang isang Vietnamese matapos na pasukin ang condominium nito at madiskubre ang milyun-milyong halaga ng party drugs na nakalagay sa mga stuffed toys sa Parañaque City.
Iprinisinta ni NBI Director Jaime Santiago ang Vietnamese na si Van Thai Nguyen na gumagamit ng alyas Van Vinh Nguyen at Van Quan Nguyen.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ng RTC Branch 260, Parañaque City pinasok ng mga NBI agent ang condo unit ni Nguyen sa Entertainment City kung saan nadiskubre ang daan-daang tableta ng hinihinalang ecstasy at ilang gramo ng ketamine.
Ayon kay Santiago una nang naaresto ang suspek noong Hulyo 10, 2024 sa isang buy-bust operation matapos na bentahan ng ecstasy at ketamine ang poseur-buyer.
Dagdag pa ni Santiago, si Nguyen ay positibong nakilala ng taxi driver na nag-iwan ng mga ilegal na droga, pera at identification card na itinurn over naman ng una kay Senador Raffy Tulfo.
Bukod sa mga illegal drugs, ilang mga pekeng dokumento na nagsasaad na worker at may 9G working visa hanggang 2026 ang natagpuan sa condo nito.
Nahaharap si Nguyen sa kasong paglabag sa Section 5 of RA No. 9165 sa City Prosecutor ng Parañaque City bukod pa sa paglabag sa Section 11 ng RA No. 9165, Falsification of Documents, and RA No. 6085 (Illegal Use of Aliases).