MANILA, Philippines — Hindi inakala ng isang lalaki na ang kanyang paniningil ng utang ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan, kamakalawa sa Quezon City.
Naratay pa sa East Avenue Medical Center (EAMC) ng dalawang araw ang biktimang si Armin Ledesma Masangkay, 54, driver at residente ng Barangay Culiat, Quezon City bago binawian nang buhay nitong Huwebes ng umaga.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek na si Gregorio Blanco Linog, 69, construction worker, kapitbahay ng biktima.
Batay sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCDP-CIDU) nangyari ang insidente bandang alas-2 ng hapon nitong Martes, Hulyo 23 sa Purok 2 Certeza Compound, Barangay Culiat, Quezon City.
Ayon sa live-in partner ng biktima na si Monawara Ayunan Salamat, nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek upang maningil nang utang.
Makalipas ang ilang sandali nakarinig na lamang ng putok ng baril si Salamat.
Nang kanyang puntahan ang bahay ng suspek nakita niyang duguan ang biktima habang hinuhugasan ng suspek ang kanyang mga duguang kamay.
Agad ding naaresto ng mga barangay officials at pulis ang suspek.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek.