MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng fish vendor kamakalawa ng gabi sa Novaliches, Quezon City.
Dead-on-arrival sa Novaliches District Hospital ang biktimang si Lou Santos, 20, binata ng Brgy. Sta Monica Novaliches, Quezon City.
Tugis naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Joel Altura Manais, 51, residente ng Magno Subdivision, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.
Sa pagsisiyasat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa harap ng Rhianne & Renan Lumpia Wrapper Stall sa Star Market, Dumalay St., Brgy. Sta Monica, Novaliches, ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa saksi, abala siya sa paggawa ng lumpia wrapper nang mapansin niya ang tumatakbong biktima na hinahabol naman ng suspek.
Nadapa ang biktima at doon na ito inundayan ng saksak ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nang makitang naliligo na sa dugo ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksiyon.
Nagsasagawa naman ng follow up operation ang pulisya upang madakip ang suspek.