Tatay na hubo’t hubad hinabol ng kutsilyo 3 anak, ina hinostage

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaking walang tulog at hinihinalang bangag sa iligal na droga nang manghabol ng patalim sa kaniyang mga menor-de-edad na anak, na sa kalaunan ay hinostage pa ang sari­ling ina, sa Taguig City, nitong Miyerkules.

Isa sa tatlong batang lalaki ang pinagbantaan pang papatayin habang hawak ang kutsilyo.

Dakong ala 1:00 ng madaling araw nang maganap ang paghabol ng suspek sa tatlong anak habang siya ay hubo’t hubad, hanggang sa dumiretso na ang mga bata sa barangay upang magsumbong.

Sinabi ni Lorna Venancio sa panayam ng GMA Unang Balita, na nanginginig at pawang walang suot na tsinelas nang sumugod ang mga bata sa kanilang barangay na nagsabing takot na takot sila sa ama na may hawak na kutsilyo.

Ang pangyayari ay nakunan ng CCTV ng Barangay Cembo, ­Taguig City,

Sa naging pahayag ng anak na panganay, isang araw na hindi natulog ang ama.

Napag-alaman sa ina ng mga bata na matagal na sana niyang gustong ipakulong ang asawa subalit nanaig pa noon ang pagnanais na hindi mawasak ang kanilang pamilya.

Pasado alas-9:00 naman ng araw na iyon, nakatanggap na naman ng tawag ang naturang barangay hinggil sa pangho-hostage naman ng suspek sa sariling ina.

 Naabutan pa ng mga rumespondeng awtoridad ang suspek na hawak ang ina at may hawak ding patalim, na sa pagkumbinse ng isang kapatid ay pinakawalan din ang kanyang nanay.

Show comments