Electrician pumalag sa holdap, kinatay

MANILA, Philippines — Posibleng nanlaban sa holdap ang isang electrician kung kaya pinagsasaksak ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ang biktima na si Angelo Santos, Jr., 34, ng Kilyawan St. Commonwealth, Quezon City.

Batay sa inisyal report, nakita ng isang concerned citizen ang duguang biktima dakong alas-7 ng gabi habang nakahandusay sa ilalim ng LRT FPJ station, Edsa southbound, sa Barangay Veterans Village, QC.

Agad na humingi ng tulong ang saksi sa MMDA traffic aid na si Jimmy Borro at dinala sa naturang ospital ang biktima subalit nalagutan din ng hininga.

Samantala, inaalam na rin ng pulisya ang posib­leng kinalaman ng isang alyas “Patrick ­Jewel” ng Parang, Marikina sa krimen matapos na makuha ni Borro sa crime scene ang ID nito.

Lumilitaw na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Show comments