Delivery rider itinumba ng 3 armado

MANILA, Philippines — Isang delivery rider ang patay nang barilin ng tatlong salarin habang naglalakad sa Port Area, Manila kahapon ng madaling araw.

Ang biktima na na­kilalang si Ronnie Apalis, 40, delivery rider at residente ng 1451 Antipolo St., Sampaloc, Maynila ay kaagad na binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang tatlong lalaking salarin na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Sa imbestigasyon ni PSSg Charles Benzon De la Torre, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-3:50 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Block 5 Extension, Baseco Compound, Port Area.

Naglalakad lamang umano ang biktima sa lugar nang sumulpot sa kanyang likuran ang tatlong salarin at kaagad siyang binaril bago mabilis na tumakas.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya para sa ika­reresolba ng krimen.

Show comments