Mangingisda, janitress kulong sa higit P84K bill

Arrested stock photo.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

Mga kustomer, empleyado nilibre lahat sa bar

MANILA, Philippines — Arestado ang isang mangingisda at isang janitress na nagdeklara ng “open house treat” o sasagutin nila ang lahat ng order ng mga kustomer at empleyado ng isang bar, sa Sampaloc, Maynila, Sabado ng madaling araw.

Reklamong Estafa at Physical Injury ang inihain ng kinatawan ng Adrian Bar laban sa mga suspek na sina alyas “Andrei”, 28-anyos, mangingisda, residente ng General Trias, Cavite; at alyas “Annabelle”, 43 anyos, janitress, residente ng Sta. Ana, Manila.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), alas-8:30 ng gabi ng Biyernes (Hulyo 5) at nagtapos ng madaling araw ng Hulyo 6 ang insidente, kung saan nagparty-party umano ang mga sangkot kasama ang mga customer, na nauwi sa pananakit ng mga suspek, sa loob ng bar na matatagpuan sa Ramon Magsaysay Blvd, sakop ng Barangay 426,  Zone, 43 Sampaloc, Manila.

Ayon sa waiter na si alyas “Jervie”, kumatawan sa reklamo ng bar, kasama ang cashier na si alyas “Daisy”,  dumating ang dalawang suspek sa bar at nagdeklara ng “open house treat” para sa lahat ng naroroon kasama ang mga empleyado na libre rin sa makokonsumo.

Nang matapos ang party, siningil ng P84,880 ang dalawa para sa mga nainom at nakain subalit tumanggi silang magbayad, at sa halip ay sinaktan pa ang waiter, dahilan upang humingi na ng police assistance ang cashier.

Inaresto ang mga suspek ng mga tauhan ng Lacson Police Community Precinct (PCP) kaugnay sa reklamo.

Nasa kostudiya ng MPD ang dalawa na isasailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutors’ Office.

Show comments