Online application ng special study permit inilunsad ng BI

MANILA, Philippines — Inilunsad na ang Bureau of Immigration (BI) ng online application ng special study permit (SSP) para sa mga dayuhang nais mag-aral sa bansa, batay sa news release nitong Huwebes.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang bagong paraan ng pag-aaplay para sa espes­yal na permit, ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng ahensiya sa modernisasyon, na umaayon sa pananaw ng isang “Bagong Immigration patungo sa “Bagong Pilipinas.”

Aniya, ang bagong online application system ay bahagi ng “Bagong Immigration towards the Bagong Pilipinas” na inaasahang mapapabuti ang kahusayan at kaginhawahan ng pagkuha ng nasabing permit sa pamamagitan ng online services portal ng BI sa e-services.immigration.gov.ph.

“By moving applications online, we also aim to minimize opportunities for corruption, ensuring a more transparent and efficient process,” aniya pa.

Sinabi ni Tansingco na ang online services portal ng BI ay nag-aalok din ng ilang iba pang serbisyo kabilang ang, annual report, emigration clearance certificate, dual citizenship, tourist visa extension, at waiver of exclusion grounds.

Maglulunsad pa ang BI ng online application para sa student visas at iba pang pangunahing serbisyo sa immigration.

Show comments