Sa Wattah! Wattah! Festival sa San Juan
MANILA, Philippines — Magiging makasaysayan ang pagdiriwang ng pinakaaabangang Wattah! Wattah! Festival ngayong araw dahil kasabay nito ay idedeklara na ng San Juan City government si St. John the Baptist bilang kanilang opisyal na patron at ie-elevate naman ang St. John the Baptist Parish bilang isang Archdiocesan Shrine ng Archdiocese of Manila.
Kaugnay nito, inanyayahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang mga residente at mga bisita na makiisa sa pagdiriwang nila ngayong araw, na sisimulan ng alas-5:00 ng umaga sa Pinaglabanan Shrine at St. John the Baptist Parish.
Nabatid na alas-5:00 ngayong umaga ay magkakaroon ng energetic Zumba session sa Pinaglabanan Shrine na iko-kober ng live ng GMA TV morning show na Unang Hirit. Susundan ito ng St. John the Baptist Fiesta mass alas-6:00 ng umaga at flag raising ceremony sa Pinaglabanan Shrine ng alas-6:30 ng umaga.
Dakong alas-6:45 ng umaga ay sisimulan na ang pagbabasbas ng mga floats at firetrucks, para sa pagsisimula ng pinakaaabangang Basaan Parade.
Alas-5:00 ng hapon ay idaraos ang Misa Mayor sa St. John the Baptist parish at pag-elevate ng parokya bilang isang archdiocesan shrine.
Sa naturang aktibidad, pormal ding ieendorso ni Zamora kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang isang City Resolution na nagdedeklara kay St. John the Baptist bilang opisyal na patron saint ng lungsod.