Tserman sa Muntinlupa, itinumba ng tandem

Kinilala ang biktimang si Chairman ­Ronaldo “Kaok” Lopez Loresca, residente ng No. 47 Manuel L Quezon Street, Purok 1, Brgy. Buli, Muntinlupa City.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang 48-anyos na chairman ng Barangay Buli, Muntinlupa City nang pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa harap ng isang tindahan, sa nasabing lungsod, Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Chairman ­Ronaldo “Kaok” Lopez Loresca, residente ng No. 47 Manuel L Quezon Street, Purok 1, Brgy. Buli, Muntinlupa City.

Sa ulat ng Muntinlupa City Police Station, dakong alas-10:16 ng gabi ng Mayo 22, nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Sole So Blessed Sneakers and Apparel, sa No. 195 Manuel L Quezon Street, ng naturang barangay.

Saksi sa insidente ang isang 67-anyos na si Domingo Rosell, da­ting barangay kagawad. Inilarawan nito ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo, kung saan isa ang nakasuot pa ng “Joy Ride” shirt habang ang isa ay nakasuot ng itim na t-shirt, na kapwa tumakas sa direksyon ng Sucat area.

Sa inisyal na imbestigasyon, habang nakaupo ang biktima kasama ang mga kaibigan at saksing si Rosell, sa harapan ng tindahan nang walang sabi-sabing lapitan at paputukan ng mga suspek ng ‘di batid na kalibre ng baril.

Isinugod naman ng ambulansya ng barangay sa Asian Hospital ang biktima na tuluyang binawian ng buhay.

Show comments