Akusado sa photojourn ambush, arestado!

This photo shows a picture of a hand in handcuffs.
Pixabay / File

Matapos dumalo sa arraignment sa korte

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa mga suspek sa pananambang at pagkasugat ng photographer ng pahayagang Remate na si Joshua Abiad at apat pang kamag-anak nito at pagkasawi ng kanyang pamangkin noong 2023 sa Brgy. Masambong, ng nasabing lungsod.

Sa report na tinanggap ni QCPD ni PBrig. Gen. Redrico Maranan mula kay QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit chief PMaj. Don Don Llapitan, nakilala ang dinakip na si Jomari Campillo, 25, residente ng Brgy. Cembo, Makati City.

Itinuturing si Campillo na No. 9 most wanted sa district level.

Lumilitaw na dinakip si Campillo sa harap ng Que­zon City Hall of Justice, Brgy. Central, Quezon City dakong alas-12 ng tanghali kamakalawa matapos ang kanyang hearing sa kasong illegal possession of firearms.

Nakapagpiyansa si Campillo sa nasabing kaso, subalit nitong Martes, pagkatapos ng pagdinig sa nasabing kaso, agad siyang dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni QC Regional Trial Court Branch 86 sa kasong Frustrated Murder.

Ito’y bunsod ng pagkakasangkot sa pamamaril kay Abiad dakong alas-3 ng hapon noong Hunyo 29, 2023 sa Corumi St., corner Gazan St., Brgy. Masambong, QC.

Magugunita na nadamay ang tatlong kaanak ni Abiad nang masugatan sa tangkang pagpatay sa naturang photojournalist pero sa kamalasan ay namatay ang 4-anyos na pamangkin nito sa insidente.

Show comments