Pag-iikot ni General Marbil sa NCRPO at iba pang kampo, ‘di loyalty check - PNP

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi “loyalty check” ang ginawang pagbisita ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon, gayundin sa ilang kampo nitong nagdaang mga araw kundi bahagi lamang ng kanyang trabaho bilang hepe ng pambansang pulisya.

Ang paniniyak ay ginawa ni PNP Public Information Office (PIO) chief Police Col. Jean Fajardo kasabay ng pahayag na wala silang namo-monitor na aktibo at retiradong opisyal ng PNP na kumikilos para pabagsakin ang administrasyong Marcos matapos ang alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV.

Sinabi ni Fajardo na hindi alam ng PNP kung saan nanggagaling ang impormasyon ng dating Senador.

“Well ibigay natin sa kanya ‘yung pagkakataon na linawin yung kanyang pananalita but on the part of the PNP ay inuulit ko ay wala tayong namo-monitor na anumang destabilization plot laban sa ating administrasyon,” ani Fajardo.

Dahil dito nakiusap si Fajardo kay Trillanes na huwag nang isangkot ang PNP sa isyu ng destabilisasyon laban kay BBM.

“Ang pakiusap natin kay kagalang-galang na dating senator Trillanes please spare the PNP dito sa mga issue na ito at naka-focus tayo sa pagtupad ng ating mandato at kanina ay nagpunta yung ating chief PNP sa NCRPO and we would like to share na mataas ang morale ng inyong kapulisan dahil sa mga binibitawang pananalita ng ating chief PNP at wala pong rason ang sinumang aktibong miyembro ng PNP para lumahok dito sa sinasabing destabilization plot,” dagdag pa ni Fajardo.

Show comments