Init sa Maynila papalo sa 43 Celsius, F2F classes sinuspinde

MANILA, Philippines — Sinuspinde ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang face-to-face (F2F) classes sa lungsod ngayong Miyerkules, Abril 24, 2024, bunsod na rin ng inaasahang pagpalo sa mapanganib na 43°C heat index level sa lungsod.

Sa inilabas na abiso ng Manila Public Information Office, na pinamumunuan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, nabatid na sakop ng kautusan ang lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

“BREAKING: Manila Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan declares suspension of face-to-face classes for public and private schools in all le­vels for Wednesday, April 24, 2024,” nakasaad sa advisory ng Manila PIO.

Dagdag pa nito, “This is due to the forecasted danger heat index level of 43°C, according to the Manila Disaster Risk Reduction Management Office.”

Kaugnay nito, pinayuhan na rin ng alkalde ang lahat ng paaralan na magdaos na lamang ng “asynchronous classes” para sa nasabing araw.

“Schools are advised to shift to asynchronous classes,” pahayag ni Lacuna.

Show comments