Lalaki utas sa tandem

Naisugod pa sa Tacano Hospital ang biktimang si Rodjhon Torres ngunit dead-on-arrival na ito bunsod ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang nasawi nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Taytay, Rizal, kama­kalawa ng gabi.

Naisugod pa sa Tacano Hospital ang biktimang si Rodjhon Torres ngunit dead-on-arrival na ito bunsod ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nakatakas naman ang dalawang ‘di kilalang suspek lulan ng hindi naplakahang motorsiklo.

Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-10:20 ng gabi nang maganap ang krimen sa Exodus Floodway, Riverside, Brgy. Sta. Ana, sa Taytay.

Sa salaysay ng mga testigo, nagulat na lang umano sila nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Nang alamin ang pinagmulan ng mga putok, nakita umano nila ang mga suspek na pi­nauulanan ng bala ang biktima at saka mabilis na tumakas patungo sa direksiyon ng Barkadahan Intersection.

Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon para sa ikareresolba ng krimen.

Show comments