MANILA, Philippines — Bukas nang muli ang search for Miss Manila ngayong taon o Miss Manila 2024.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga kuwalipikadong residente na lumahok sa naturang patimpalak.
Ayon kay Lacuna, ang aktibidad ay pangangasiwaan ng Department of Tourism, Culture and the Arts (DTCAM) sa ilalim ng pamumuno ng direktor nito na si Charlie Dungo.
Ang naturang pageant aniya ay proyekto ng city government, na naghahanap ng isang Manilenya na kakatawan sa ‘values of empowerment’ at leadership upang maghatid ng mahalagang kontribusyon sa kanyang mga kapwa Manilenyo.
Matatandaang matapos na i-relaunch noong nakaraang taon, sinabi ni Lacuna na ang Miss Manila ay dapat na isang ‘woman of worth’, tapat sa kanyang sarili at kayang mahalin ang kanyang sarili bago mahalin ang iba.
Dapat din aniyang taglay nito ang tunay na katangian ng isang Manilenya at maging isang strong advocate ng mga karapatan ng mga kakabaihan, isang tunay na lider, ‘nurturer’ at change maker.
Samantala, sinabi ni Dungo na ang mga maaaring lumahok sa patimpalak ng kagandahan ay dapat na residente ng Maynila, na nagkaka-edad ng 18 hanggang 30-anyos, dalaga, may good moral character, maaaring estudyante o nagtatrabaho na.
Ang mga interesado aniyang lumahok sa patimpalak ay maaaring mag-aplay sa pamamagitan ng http://www.missmanila.ph.