MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagbaba ng may 40 porsyento sa kaso ng online scam ngayong Enero kumpara sa kaparehong panahon ng nakaraang taon.
Ayon kay ACG Director Police Major General Sidney Hernia, nasa 1,045 na kaso ng online scam ang naitala noong Enero 2023 habang nasa 624 na kaso na lang ang naitala ngayong Enero 2024, na mas mababa ng 421 kaso o katumbas ng 40.29 porsyento.
Malaking tulong aniya sa pakikipaglaban kontra online scammer ang patuloy na paglalagay ng mga ACG offices sa mga rehiyon, lalawigan at mga distrito, gayundin ang paglalagay ng cybercrime desk sa mga istasyon ng pulisya.
Bukod pa aniya rito ang patuloy na ginagawang pagsasanay at mga seminars ng mga pulis na nakadestino sa cybercrime desk upang mas alam nila kung paano ang gagawin sa isang kaso.
Isa rin umano sa naging malaking pagbaba ng kaso ng online scam ay ang kooperasyon ng mga biktima upang agad mahuli ang mga online scammer.
“Let us maintain vigilance in our dealings with strangers, particularly in the online realm. It is imperative that we continually educate ourselves to safeguard against falling victim to online scams,” dagdag ng opisyal.