Alitan, nauwi sa pamamaril; 2 patay

MANILA, Philippines — Dalawa katao ang patay nang mauwi sa pamamaril ang isang alitan sa San Mateo, rizal kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang sina Romeo Precentacion at Roel Roxas ay kapwa binawian ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala sa kanilang katawan.

Arestado naman ang isa sa mga suspek na si alyas “Amante” na mahaharap sa kasong double homicide sa piskalya habang ang isa pang kasamahan na si alyas “Arthur” ay nakatakas.

Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa Bankers Avenue, Brgy. Guitnang Bayan 1, sa San Mateo.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawang biktima at ni alyas Arthur sa ‘di pa malamang kadahilanan. Nakita naman ito ni alyas Amante na kaagad na bumunot ng baril at pinaputukan ang mga biktima na kanilang ikinasawi.

Naaresto ng mga awtoridad si alyas Amante sa follow-up operation at kaagad na dinala sa presinto.

Show comments