MANILA, Philippines — Nakakuha ng solidong suporta sa mga major national transport groups ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sinabi ng mga lider ng mga transport groups na Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, and Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, gayundin ng UV Express National Alliance of the Philippines na napapanahon na para mapa-implementa ang PUVMP.
Kumpiyansa rin sila na ang mga commuters ang makikinabang sa programa.
Ayon kay Pasang Masda National President Obet Martin, ang PUVMP ay nakapokus sa pagkakaloob ng ligtas at kumbinyenteng public transport sa mga commuters.
“Kaming lahat po ay sumusuporta sa isang napaka-ayos at napakagandang programa ng pamahalaan. [Ang PUVMP] ay makapagdudulot ng ligtas na paglalakbay sa ating mananakay at convenience sa kanilang pagsakay. Ika nga’y tinatawag nating sila ay nasa isang modernong sasakyan kung saan matagal nang minimithi ng ating mga kababayan na magkaroon ng magandang sasakyan,” aniya.
Sinabi naman ni Orlando Marquez, LTOP President, na taong 1997 pa ay sumusuporta na sila sa modernisasyon ng mga PUVs.
“Nakasuporta po ako sa modernization simula pa 1997. Ipinapa-abot ko ang suporta sa administrasyon ng ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. Kaya ngayon sinasabi namin dito sa Magnificent 7, nakasuporta kay Secretary Bautista, LTFRB Chairman Guadiz at sa Pangulo,” aniya.
Ipinaliwanag naman ni Transportation Secretary Jaime J. Bautisa na ang programa ay magkakaloob rin naman ng tulong sa mga apektadong PUV operators at drivers sa panahon ng transition period ng programa.
Aniya pa, determinado ang DOTr na maipatupad ang programa.
“Ang program talaga ang focus ay ‘yung magbibigay o magdudulot ng kabutihan sa ating mga mananakay. Pero hindi rin natin kakalimutan ang responsibilidad sa mga drivers, sa mga operators,” ani Bautista.