MANILA, Philippines — Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na mabibigyan ng kumpletong gamot at serbisyo ang mga residente ng Barangay 168 at 171 sa itatayong dalawang super health centers sa lungsod.
Sa tulong na rin ni District 1 Representative Oca Malapitan, sinabi ng alkalde na ang super health center ay two-storey building na may makabagong kagamitan kabilang ang minor surgical room, x-ray room, laboratory, at maging ang confinement wards.
Ayon sa alkalde,ibibigay nila ang pinakamaayos na medical services at health centers sa mga residente upang hindi na mahirapan pang magtungo sa mga malalayong ospital.
Sinabi ng alkalde na mararamdaman ng mga residente ang presensiya ng mga doktor at serbisyo.
“Umasa po kayo na marami pang proyekto ang nakahandang ibigay natin sa iba pa nating mga kababayan,” dagdag ng alkalde.