Scammer na Taiwanese, timbog sa Quezon City

MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI)  ang isang Taiwanese national na wanted sa kaniyang bansa dahil sa mga kasong panggagantso, nang matunton ang kaniyang tinutuluyang bahay sa Quezon City kamakailan.

Nakilala  ang nadakip na 26-taong gulang na si Yang Chia-Le sa loob ng kaniyang bahay sa Nueva Vizcaya Street sa Bago Bantay, Quezon City.  Armado ang mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit ng mission order na inilabas makaraang tukuyin si Yang bilang takas sa batas sa Taiwan.

Base sa rekord, noon pang Abril 2023 wanted si Yang makaraang labasan siya ng warrant of arrest ng Taiwan Taipei District Prosecutor’s Office.

Nabatid na miyembro siya ng isang telecom fraud syndicate na nagpapakilala na mga opis­yal ng pamahalaan para takutin ang kanilang mga biktima.  May operasyon ang kanilang sindikato mula Disyembre 2020 hanggang Enero 2021 at nakatangay na umano ng aabot sa katumbas na P2.3 milyon.

Nagtago sa Pilipinas si Yang mula noong Agosto 2022, at hindi na nag-aplay ng kaniyang ekstensyon ng visa kaya isa na siyang “oversta­ying alien”.

Show comments