MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagdaraos ng daily flushing operations sa mga abalang lugar sa lungsod.
Layunin ng direktiba ni Lacuna kina Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head Arnel Angeles at Department of Public Services (DPS) chief Kayle Nicole Amurao na matiyak ang kaligtasan at kalinisan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pedestrians sa mga busy areas ngayong ilang araw na lang at papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Lacuna, ang daily flushing ay sinimulan na ng operations team ng MDRRMO at DPS noong Biyernes sa Recto-Divisoria area.
Masasakop din nito ang iba pang lugar, gaya ng Quiapo at Blumentritt, kung saan madalas magtungo ang mga tao para mag-shopping, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan at sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Nanawagan naman si Lacuna sa mga shoppers na manatiling alerto at kaagad na ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Tiniyak naman ng alkalde na may sapat na police visibility sa lahat ng mga lugar ng pagtitipon sa lungsod, base na rin sa ginawang paniniguro sa kanya mismo ni Manila Police District (MPD) Director PCol. Arnold Thomas Ibay.
Payo pa ng alkalde sa mga shoppers, iwasang magsuot ng mga mamahaling alahas upang hindi maging target ng mga kriminal.
Panawagan pa niya sa mga magulang na huwag nang isama sa pamimili ang kanilang maliliit na anak para makaiwas sa anumang inconvenience.