MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Department of Agriculture at National Meat Inspection Service (NMIS) ang nasa 130,000 kilo ng hot meat mula sa dalawang cold storage sa Navotas City.
Ayon kay Dennis Solomon ng DA Inspectorate and Enforcement Team, isang buwan silang nagsagawa ng surveillance sa dalawang cold storage na nasa San Rafael Village kung saan nasabat ang kahun-kahong Peking duck, black chicken, jellyfish,at iba pang uri ng isda.
Sinabi ni Solomon na isang tauhan nila ang naka-order ng peking duck na ipinagbabawal pa ring makapasok sa bansa.
Nabatid na walang kaukulang papeles ang mga smuggled meat at nagsisimula nang mabulok.
“Pagpasok natin, tumambad satin yung amoy. Kung nakakaamoy lang ang mga camera natin, pati mga cameramen natin masusuka,” ani Solomon.
Paliwanag naman ni Dr. Jude Padasas ng NMIS, hindi dapat na ibinebenta ang smuggled agricultural products tulad nito dahil sa panganib sa kalusugan.
“May karapatan po kayo sa malinis na karne. Ang mga [smuggled products na] ito ay hindi na dapat umaabot pa sa hapag-kainan,” dagdag pa ni Pasadas.
Umaabot sa P40 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang agricultural products .
Ipinasara naman ng Navotas LGU ang nasabing pasilidad.