MANILA, Philippines — Arestado ang isang 56-anyos na lalaki na nakumpiskahan ng nasa 13 loose firearms sa Makati City, Biyernes ng hapon.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) P/Major Jose Melencio Nartatez ang nadakip na suspek na si Juanito Tanghal, na residente ng San Isidro, Makati City.
Sa ulat, si Tanghal ay dinakip sa aktong pagbibitbit ng matataas na kalibre ng baril sa isang gasoline station sa J.P. Rizal corner Calasanz sts., Barangay Olympia, Makati City, alas-2:30 ng hapon.
Ayon kay Nartatez, patuloy pa ang isinasagawang beripikasyon at imbestigasyon sa nakumpiskang mga baril upang alamin kung ginamit sa mga teroristang aktibidad, gun for hire, at iba pang ilegal na aktibidad.
Bukod sa mga baril nakumpiska rin dito ang kahun-kahong mga bala ng iba’t-ibang kalibre; gayundin ang minamanehong Ford, Ranger.
Una rito, Nobyembre 14, 2023 sa Brgy. Pandan, Angeles ay nadakip sa buy-bust/entrapment operation ang isang Santiago Fernandez, alyas Bryan Marcos na nakumpiskahan ng isang 5.56mm Assault Rifle, Daniel Defense na may nakakabit na 40mm M203 grenade launcher.
Matapos ang entrapment ay natunton ang isang residential address ni Bryan Marcos sa Makiling st., Olympia Makati City kung saan isinagawa ang stake-out operation.
Sa beripikasyon sa Regional Civil Security Unit- National Capital Region (RCSU-NCR), si Marcos ay walang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at hindi rehistrado bilang firearm holder.
Sa pagmamanman ng mga operatiba, nakita ang pagdating ni Tanghal sa bahay ni Marcos at nasaksihan ang pagkakarga nito ng mga garbage bag at mga sako na may nakabukol pang mga nguso ng baril at nang lalapitan na ay pinaharurot ang sasakyan subalit nakorner din siya sa isang gasolinahan.