MANILA, Philippines — Nasa 7,418 mag-aaral sa senior high school ang isinailalim sa libreng “diabetes screening” ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila kahapon.
Ang mga mag-aaral ay kabilang sa 25 pampublikong paaralan sa Maynila na nabiyayaan ng libreng diabetes screening , ayon sa Manila Health Department.
Personal na binisita nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at City Health Officer Dr. Arnold Pangan ang Eulogio Amang Rodriguez Istitute of Science and Technology (EARIST) High School sa Sta. Mesa at Pres. Sergio Osmeña High School sa Tondo.
Ang libreng diabetes screening ay ginawa ng Manila LGU matapos na mabatid na tumataas ang bilang ng mga kabataan sa lungsod na may diabetes.
Sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa diabetes, maiiwasan ang mga kumplikasyon tulad ng malalang sakit sa kidney na mangangailangan ng dialysis, kahit na sa murang edad.
Ang diabetes screening ay isa sa programa ng lokal na pamahalaan para sa paggunita sa World Diabetes Day.