MANILA, Philippines — Nadoble pa ang dami ng mga basurang iniwan at nahakot ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa Manila North at South cemeteries, kumpara noong Undas ng 2022.
Sinabi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna, nasa 299 metriko tonelada ang nahakot ngayong taon sa dalawang pinakamalaking sementeryo sa lungsod.
Doble ito ng 148 metriko toneladang nahakot sa dalawang sementeryo noong 2022.
Ito ay makaraang higit sa dalawang milyong bisita rin ang dumagsa sa dalawang sementeryo sa loob ng limang araw o mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
Nakapagtala ang Manila North Cemetery ng kabuuang 1,501,050 bisita sa loob ng limang araw, habang ang Manila South Cemetery naman ay mayroong 560,595 bisita. May kabuuan itong 2,061,645 na bisita.
Ipinaliwanag ni Abante na ang pagdami ng mga bisita ay dulot ng mas maluwag na mga panuntunan ngayon patungkol sa COVID-19 at pagpayag ng administrasyon ng mga sementeryo na makabisita ngayong taon ang sinuman kahit anong edad, hindi tulad ng mga nakalipas na taon.