MANILA, Philippines — Humigit-kumulang sa P1.4 bilyong halaga ng mga e-cigarettes o vapes ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksiyon sa isang bodega sa Valenzuela City, kamakalawa.
Ipinaliwanag ni Customs Commissioner Bien Rubio na ang naturang P1.428 bilyong halaga ay ang total aggregate value ng humigit-kumulang sa 1.4 milyong piraso ng 10ml disposable vape na may estimated value na P700 milyon, sa P500 kada piraso at ang P728 milyong halaga ng excise tax, base sa P52 excise tax kada 1 ml ng e-cigarette o vape.
Sa inisyal na inspeksiyon sa bodega, na matatagpuan sa Bagong Filipino Industrial Compound (BFIC), M. Gregorio St., Canumay West, Valenzuela City, nalantad ang humigit-kumulang sa 14,000 kahon na naglalaman ng tinatayang 1.4 milyong piraso ng 10ml disposable vape na may tatak na FLAVA.
“We received information last October 24, 2023 that a warehouse in Valenzuela City is being utilized as storage of voluminous illegally imported e-cigarettes or vape products without proper payment of correct duties and taxes,” ayon kay CIIS Director Verne Enciso.
Matapos na maberipika ang impormasyon at matukoy ang mga bodega, kaagad na humiling ang CIIS na mag-isyu ng LOA, na mag-aatas sa mga warehouse owner/ representative upang magpakita ng proof of payment ng duties and taxes at iba pang importation documents, na kinakailangan, para sa mga goods na matatagpuan sa loob ng bodega.
Sinabi ni Deputy Commissioner Juvymax Uy na ang mga may-ari at kinatawan ng bodega ay binigyan ng panahon upang magpakita ng mga kaukulang dokumento at patunay na nakapagbayad sila ng buwis.
Kung wala ang mga naturang dokumento, mahaharap ang mga ito sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).