Biyahe ng PNR, naantala
Riles nabaliko
MANILA, Philippines — Pansamantalang naantala ang biyahe nang mga tren ng Philippine National Railways (PNR) kahapon, bunsod ng nabalikong bahagi ng riles nito.
Sa isang abiso, nabatid na ang naantala ay ang mga biyahe mula Tutuban papuntang Alabang at vice versa.
Anang PNR, mabilis namang naglatag ang mga kawani ng PNR sa parte ng Don Bosco Crossing, pagitan ng mga istasyon ng EDSA at Pasay, upang magsagawa ng emergency repair dulot ng pagkakaroon ng maliit na baliko sa isang parte ng riles.
Ang pagkakabaliko umano ay maaring dulot anila ng underframe ng isang low-bed trailer truck na tumatawid sa naturang ‘crossing’.
Dakong alas-11:50 ng tanghali nang maideklarang ligtas nang madaraanan ang naturang linya.
Kaagad din namang humingi ang PNR ng karagdagang pang-unawa sa mga naidulot na pagkakaantala ng ilang mga biyahe.
- Latest