MANILA, Philippines — Nagkatotoo ang ina-asahang malakihang rolbak sa gasolina, habang may mas maliit na pagbaba sa presyo ng kerosene na sasalubong ngayong Martes sa mga motorista at iba pang gumagamit ng petrolyo sa bansa.
Sa magkakahiwalay na anunsyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., Seaoil Philippines Corp., at Caltex, nasa P2 kada litro ang tatapyasin sa gasolina, habang P.50 sentimos kada litro naman sa kerosene.
Sa kabila nito, magtataas naman sa presyo ng diesel ng P.40 kada litro.
Naglabas din ng parehong advisories ang PTT, Cleanfuel at Petro Gazz, maliban sa kerosene na hindi nila ibinibenta.
Karamihan sa mga gasolinahan ay magpapatupad ng price adjustment dakong alas-6 ng umaga ngayong Martes habang ang Caltex ay mauuna dakong alas-12:02 ng hatinggabi.
Una nang sinabi ng Department of Energy- Oil Industry Management Bureau ang inaasahang rolbak dahil sa adjustment ng internasyunal na merkado sa mas mataas na interest rate, mas matatag na dolyares, at pagre-relax ng Russia sa fuel import ban.