Desisyon sa taas-pasahe sa PUJ dedesisyunan ng LTFRB sa Martes  

A jeepney barker at the Tandang Sora jeepney terminal in Quezon City collects fare from passengers on September 13, 2023.
The STAR / Michael Varcas

MANILA, Philippines — Ipalalabas na ng  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Martes (Oktubre 3) ang desisyon  hinggil sa petisyon ng ilang transport group na maitaas ang pamasahe at magbigay ng provisional fare increase sa mga pampublikong dyip.

Ito ay kaugnay  ng inihaing petisyon ng iba’t   ibang grupo na dagdagan ang pamasahe sa mga traditional public utility jeepney (TPUJ) at modern public utility jeepney (MPUJ)  bunsod ng walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagdinig sa LTFRB, inatasan ng LTFRB na magsumite ng kanilang supplemental petition sa loob ng limang araw ang Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Dri­vers Association Nationwide, Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) upang maisa-pinal ang kanilang panukala.

Nais malaman ni LTFRB Chairperson  Teofilo Guadiz III  kung ang hirit ng mga nasabing grupo na P5.00 taas-pasahe sa kada unang apat (4) na kilometro at P1.00 provisional fare increase ay para lamang sa mga TPUJ sa Metro Manila.

Kailangan umano na magsumite ng pinal na petisyon ang naturang transport groups  upang mas maging malinaw kung anong uri ng pampublikong sasakyan at saang lugar nila nais ipatupad ang taas-pasahe.

Kinakailangan din aniya na makuha ng LTFRB ang komento ng mga stakeholder sa sektor ng mga commu­ters at ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang tuluyang makabuo ng desisyon ang ahensya.

Kaugnay nito, binusisi na  rin ng LTFRB  ang petisyon ng Angat Tsuper Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (STOP & GO), Inc. at Federation of Jeepney Operators & Drivers Association of the Phi­lippines (FEJODAP) na  P2.00 dagdag-pasahe sa mga TPUJ sa buong bansa.

Hihintayin naman ng mga trasport group ang magiging desisyon dito ng LTFRB at kung dumating ang Martes at wala pang naibabang desisyon ay itutuloy na ang kanilang ikinakasang tigil-pasada.

Show comments