MANILA, Philippines — Pinapayagan ng pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) ang mga bilanggo na maka-order ng pagkain sa pamamagitan ng online delivery applications.
Ito ang nabatid kay Bureau of Corrections (BuCor) Director, General Gregorio Catapang Jr. ito ay sa pamamagitan ng mga laptops na itinalagang gamitin ng bilanggo sa “e-dalaw”.
Ang lahat naman ng idedeliber na order at ibabagsak sa outpost ng NBP para ma-inspeksyon bago ipasok at ibigay sa PDLs, upang maiwasang makapagpasok ng mga kontrabando.
Ito’y dahil na rin sa mga insidente na naisingit sa food packages ang kontrabando .
Nilinaw ni Catapang na hindi naman nila aalisin ang online delivery applications dahil karapatan ng mga preso na umorder ng pagkain, na bahagi ng Mandela prison reform rules.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggalang sa mga karapatan ng mga bilanggo, kabilang ang kanilang mga kagustuhan para sa kanilang katutubong lutuin, tulad ng Chinese o Korean food.
Nakakaawa aniya, ang kalagayan ng mga bilanggo na siksikan sa ngayon kaya binibigyan sila ng kaunting luwag tulad ng pag-order sa labas ng pagkain,
Ang NBP na dapat ay mag-accommodate lamang ng 6,000 preso ay nasa 30,000 sa kasalukuyan.
Noong nakalipas na linggo ay iginiit ni ACT-CIS party-list representative Erwin Tulfo na dapat magsagawa ng inquiry sa mga natatamasang pribilehiyo ng PDLs kabilang ang pagpapadeliber ng fast food sa piitan.