Preso na dumalo sa inquest, tumalon mula 3rd floor ng Manila City Hall

MANILA, Philippines — Malubha ang isang preso na biglang tu­malon mula sa ikatlong palapag ng Manila City Hall building makaraang dumalo sa inquest ng kaniyang mga kaso, kahapon ng umaga.

Nilalapatan na ng lunas sa Philippine Ge­neral Hospital ang suspek na si Lyle ­Adams Fernandez, 32, construction worker at ng Brgy. Anolis Ma­ngaldan Pangasinan.

 Sa ulat ng Manila Police District-Ermita Police Station, katatapos pa lang ng suspek na ma-inquest sa loob ng opisina ni Asst. City Prosecutor Glen Romano sa ikatlong palapag ng Manila City Hall buil­ding nang maganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga.

 Matapos na sampahan ng kaso, biglang tumalon sa bintana ng tanggapan ang suspek at diretsong bumagsak sa ibaba. Agad naman siyang sinaklolohan ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office at isinugod sa PGH.

Nabatid na nahaharap ang suspek sa patung-patong na mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal possession of firearms), Article 155 (Alarm and Scandal), Article 285 (light threats), at Physical Injury.

 Nagtamo ang suspek ng pagkabali ng kaniyang kanang binti, at mga sugat sa mukha dahil sa pagbagsak. Inaalam pa rin naman kung may iba pang pinsala partikular sa internal ng suspek.

Show comments