MANILA, Philippines — Sinampahan ng kaso sa Quezon City Prosecutors Office ang opisyal ng Gentle Hands Inc. ng (GHI) ng ina ng batang sinasabing umano’y ‘kinidnap’ ng ampunan sa Quezon City, kamakailan.
Kasong kidnapping ang isinampa ng isang ina laban kay Charity Graff, executive director ng ampunan dahil sa kabiguan nitong maibalik sa kanya ang kanyang anak kahit makailang beses na niyang hiniling ito.
Sa limang pahinang reklamo sa korte, inakusahan ng ina ng bata si Graff na ‘kumidnap’ sa kanyang anak na paglabag sa Article 270 ng Revised Penal Code.
Sa court record, ipinasok ng ina sa ampunan ang anak noong January para lamang sa isang buwan na pamamalagi dito dahil siya ay isang single parent at ang tagapag-alaga sa anak ay nakabakasyon.
Mula noon, sinabi ng ina na hirap na siyang makita ang kundisyon ng anak lalo pa nga’t pinapayagan lamang siya ng ampunan na makita ang anak sa loob ng 10 minuto.
Kahit na igiit kay Graff na habaan ang oras ng pagbisita sa anak, sinabihan pa siya nito na wala itong kuwentang ina.
Sinabi pa nito na dumating sa punto na pinagbawalan na siyang makita ang anak at itinataboy siya pabalik ng bahay kapag nais dalawin ang anak.
Anya, sinabihan pa siya ni Graff na magpakita ng Parental Capability Assessment Report (PCAR) pero nang magdala ng PCAr ay hindi rin naibalik sa kanya ang anak.
Binigyang diin ng complainant na dahil sa paghihiwalay sa kanya ni Graff sa anak ay lumubha ang kanyang trauma at nawalan na ng pag-asa sa buhay.
Sinabi ng complainant na isa ang kanyang anak sa mga batang nasa ampunan na naisalba ng mga awtoridad makaraang maipasara ang ampunan.
Noong Mayo 26 lamang sa tulong ng DSWD ay naibalik sa kanya ang kanyang anak.
Una rito, ipinasasara ng DSWD ang ampunan dahil sa rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection hinggil sa mga nakitang paglabag sa Fire Code.