MANILA, Philippines — Timbog ng mga tauhan ng Makati City Police ang isang South Korean national at isang Pinay makaraang hindi magbayad ng bill sa tinuluyang hotel na aabot sa higit P100,000, nitong Huwebes ng tanghali sa naturang lungsod.
Kinilala ang mga inaresto na sina Changmu Lee, 51 at Meriniza Manalo, 41, na nagpakilalang kapwa negosyante.
Sa ulat ng pulisya, inaresto ang dalawa dakong alas-12 ng Huwebes ng tanghali sa loob ng hotel sa may Ayala Avenue cor. Amorsolo Street sa Brgy. San Lorenzo, Makati City.
Nabatid na nag-check-in ang dalawa sa hotel noong Hunyo 9, 2023. Sa kanilang pag-check-out nitong Hunyo 22, nagpakita ang dalawa ng screenshots ng online bank transfer na bayad umano nila sa kanilang bill na aabot sa P143,337.36.
Ngunit nang berepikahin ng mga tauhan ng hotel, lumalabas na wala silang natatanggap na bayad buhat sa dalawa dahilan para tumawag sila sa pulisya at ipadakip ang mga ito.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 315 (Estafa) ng Revised Penal Code ang dalawa sa Makati City Prosecutor’s Office.