MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang illegal recruiter na nambibiktima sa Facebook makaraang kumagat sa inihandang entrapment operation sa loob ng kanilang tanggapan sa Paco, Maynila kamakailan.
Kinilala ang mga inaresto na sina Marisa Rumabaoa Ursulum at Michelle Dichoso. Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa RA 8042 o ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.
Sa salaysay ng hindi pinangalanang complainant, una siyang nakipag-ugnayan sa isa sa mga suspek noong Hunyo 9 nang makita niya sa Facebook na aktibong nagre-recruit ng trabaho sa abroad ang isang “Asarim Rumabaoa”.
Kaniyang kinontak ito sa pamamagitan ng Facebook messenger at nagpakilala naman ang suspek na konektado sa Hard Earned Opportunities, Inc., na isa umanong lisensyadong recruitment agency. Nangako ang suspek na maipapadala siya sa Korea at magtatrabaho bilang mangingisda na may suweldong $400 kada buwan.
Unang nagtungo ang biktima sa opisina ng mga suspek sa may Paco, Maynila nitong Hunyo 13 kung saan hiningian siya ng P35,000 bilang processing fee. Ngunit nagduda ang biktima nang makita niya na walang lisensya o cerfiticates na nakasabit sa dingding ng tanggapan kaya nagpaalam siya at sinabing babalik kinahapunan.
Dito nagkusa na mag-research ang biktima sa opisyal na address ng Hard Earned Opportunities Inc. at nang makita niya ay nagtanong siya kung may kaugnayan ang isang Marisa Rumbaoa Ursulum sa kanila na sinabi ng mga staff na hindi nila ito tauhan habang wala rin silang job order para sa mangingisda sa Korea.
Dito na dumulog sa NBI ang biktima kaya naikasa ang isang entrapment operation kinahapunan. Bumalik sa unang pinuntahang tanggapan ang biktima at iniabot ang dalang marked money sa sekretaryang si Dichoso. Dito na nagbigay ng hudyat ang mga operatiba at inaresto ang dalawang suspek.