MANILA, Philippines — Magkakaloob ng mga masustansiyang pagkain ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa lahat ng ‘undernourished’ na bata sa loob ng 120 araw sa isang taon makaraang maipasa ang ordinansa ng Sangguniang Panglungsod .
Sinabi ni Vice Mayor Yul Servo na naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa regular session nitong Mayo 25 ang ‘localized version’ ng Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na layong masolusyunan ang malnutrisyon sa mga kabataan.
Tatawagin ang ipinasa nila na ‘Masustansyang Pagkain para sa Batang Maynila Ordinance’, na magtatag sa Manila City Local Feeding Program sa mga daycare centers at pampublikong paaralan.
Dito magbibigay ng ‘fortified daily meals’ sa mga bata sa loob ng 120 araw o higit pa sa isang taon.
“Most children eat just to satisfy their hunger, without proper regard to their food’s nutritional value”, paliwanag ni 4th District Councilor Louisito “Doc Louie” Chua, ang principal author ng ordinansa.
Popondohan ang programa ng Special Education Fund at ipatutupad ng Manila Department of Social Welfare at may koordinasyon sa City Health Department at nasyunal na mga ahensya.
Ibinahagi naman ni Servo ang kaniyang sariling karanasan nang tumanggap din siya noong bata pa ng nutribun at gatas nang siya ay nasa elementarya pa.